Ang Iglesia Ngayon
7.1 Ano ang ibig sabihin ng salitang ‘iglesia’?
Ang salitang Griyego na ‘ecclesia’ ay nangangahulugan na mga ‘tinawag.’ Ang iglesia ay walang kinalaman sa sanlibutan. Ito ay makalangit, tinawag ng mundong ito ay pag-aari ni Cristo.

7.2 Ano ang Iglesia?
Sa Salita ng Dios iisa lamang ang iglesia. Ang iglesia na ito ay nagtataglay ng lahat ng mga mananampalataya – mga Kristiyano na mga ‘sumampalataya sa ebanghelyo ng kaligtasan’ (Efeso 1:13). Sila ay mga pinagsama-sama sa iisang katawan, hindi sa pamamagitan ng pagiging mga kasapi ng isang organisasyon kundi sa pamamagitan ng gawa ng Espiritu Santo (Mga Gawa 2:47; 1 Corinto 12:13; Efeso 1:23).

7.3 Kailan nagsimula ang iglesia?
Ang iglesia ay nagsimula noong araw ng Pentecoste, 50 mga araw pagkatapos ng muling pagkabuhay ng Panginoon (Mga Gawa 2).
Bakit hindi bago ang araw na iyon?
Ang iglesia ay hindi maaaring makapagsimula ng mas maaga sapagka’t Kinailangang mamatay muna si Cristo, bumangon mula sa mga patay at maluwalhati bago makarating ang Espiritu Santo (Juan 7:37-39).
Sa Mateo 16 ito ay nasa hinaharap na panahunan pa lamang: ‘sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia’ (tal. 18).
Bakit pagkatapos ng araw na iyon?
May ilan na nag-iisip na ang iglesia ay umiral sa mas huling petsa sapagka’t tanging mga Judio lamang ang kasali sa Pentecoste, at ang mga mananampalatayang mga Gentil ay hindi napadagdag hanggang sa bandang huli (Mga Gawa 10,11). Kinailangang nakapagsimula ang iglesia sa araw ng Pentecoste sa Mga Gawa 2 sapagka’t mababasa natin sa bandang huli ng kabanata na ‘At idinaragdag sa iglesia ng Panginoon araw-araw ang mga naliligtas’. Kaya’t ang iglesia noon ay umiiral na.[1]
1 Ang ilang mga kasulatan (at mga salin) ay tinanggal ang mga salitang ‘sa iglesia’. Gayunpaman, hindi ito nagpapabago sa Katotohanan, na kapagdaka ang iglesia ay minsan pang binanggit (Mga Gawa 5:11). Gayundin, bago ang Kaniyang pag-akyat, sinabi ng Panginoon na ang bautismo sa Espiritu Santo, ang pagkabuo ng iglesia (1 Corinto 12:13) ay mangyayari ‘hindi maraming mga araw mula noon’ (Mga Gawa 1:5). Ito mga mismo ang nangyari
7.4 Ang iglesia ba ay nahayag sa Lumang Tipan?
Hindi, ang hiwaga ni Cristo at ng iglesia ay ‘hindi nahayag’ noon (Efeso 3:5). Ito ang naging gawain ni Apostol Pablo upang ipakilala ito (Efeso 3:2,7,8). Ang Lumang Tipan ay naglalaman lamang ng mga tipo (mga larawan) ng iglesia (halimbawa ay si Rebeca). Gayonman, walang sinoman ang nakakilala sa katotohanan ng iglesia mula sa mga larawang ito hiwalay sa liwanag ng Bagong Tipan.

7.5 Sino ang bumubuo ng iglesia sa kasalukuyan?
Lahat sila na mga nagsisampalataya sa ebanghelyo ng kanilang kaligtasan (Efeso 1:13) at mga naging resulta na naging kasama sa iisang katawan (1 Corinto 12:13), sila man ay maging mga Judio o Gentil sa pamamagitan ng likas na kapanangakan.
7.6 Paano ka nagiging isang kasapi ng iglesia?
Wala ka namang anomang dapat gawin maliban sa manampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo. Ang isang mananampalataya ay isa nang sangkap ng katawan ni Cristo (1 Corinto 12:12,13) na siyang ‘iglesia ng Dios na buhay’ (Efeso 1:22,23; 1 Timoteo 3:15) ang tanging iglesia na kinikilala ng Salita ng Dios. Hindi mo kinakailangan sumali sa isang grupo o sumunod sa isang tagapanguna.

7.7 Bakit gumagamit ang Bagong Tipan ng mga larawan upang ilarawan ang iglesia?
Paano mo ipapaliwanag sa isang person na kailanman ay hindi pa nakakita ng isang eroplano kung ano ang isang eroplano? Walang pag-aalinlangan gagamit ka ng isang larawan, na magsasabi na ang isang eroplano ay gaya ng isang malaking ibon, na yari sa bakal, na umiinom ng gatong at hindi maaaring bumaba sa mga puno, atbp. Ito ay magpaparating ng ilang kaisipan kung ano ang isang eroplano. Gaya rin naman nito, ang Dios ay gumagamit ng mga bagay na mga pangkaraniwan sa atin (katawan, kasintahang babae, bahay) upang ipaliwanag sa atin kung ano ang wangis ng iglesia.

7.8a Ano ang ibig sabihin natin sa pagsasabing ang iglesia ay ang katawan ni Cristo?
Nang sinabi ng Dios na ang iglesia ay gaya ng isang katawan, ito ay nagsasabi sa atin na (tingnan ang 1 Corinto 12):
- tayong lahat ay magkakaiba gaya ng bahagi ng katawan ay magkakaiba at may kani-kaniyang ibat-ibang mga gawain
- may pagkakaisa, kung paanong ang mga sangkap ng isang pisikal na katawan ay siyang bumubuo ng isang buo
- higit sa lahat, si Cristo ang Ulo ng katawan (tingnan T 3.10).

7.8b Ano ang ibig sabihin natin sa pagsasabing ang iglesia ay ang tahanan ng Dios?
Sa isang tahanan ang bawat bagay ay kinakailangang nasa wastong kalalagayan kung paanong ito ay siyang kinaluluguran ng may ari ng tahanan.
Kaya’t sa tahanan ng Dios:
- may mga kaayusan na kinakailangang sundin (1 Timoteo. 3:15)
- may pagpapakita ng kaluwalhatian ng Dios, at ang karangalan ay ibinibigay sa Kaniya. (Awit 26:8) (‘kaluwalhatian’ sa JND, ‘karangalan’ sa AV)
- ang bawat bagay ay nararapat na maging banal (Awit 93:5).
Ang mga pagtukoy mula sa Mga Awit ay umaangkop na tunay sa Tahanan ng Dios sa Lumang Tipan subali’t ang mga ito ay nagpapakita na ang kaluwalhatian at kabanalan ay magka-ugnay sa kaisipan ng tahanan ng Dios. Ang iglesia ay dakong tinitirahan ng Dios sa ngayon (Efeso 2:19-22).

7.8c Ano ang ibig sabihin natin sa pagsasabing ang iglesia ay ang kasintahang babae ni Cristo?
Ang kasintahang babae ay may kinalaman sa damdamin at lubhang napakalapit, natatangi at hindi maaaring magmaliw na kaugnayan (Genesis 2:24). Ang larawang ito ay nagsasabi sa atin na may ugnayang pagibig sa pagitan ni Cristo at ng iglesia (Efeso 5:25-32). Ang damdamin ng iglesia ay kinakailangang walang kahati – tanging para kay Cristo lamang (2 Corinto 11:2). Ang kasintahang babae ay may iisa lamang na dakilang nasain – na dumating ang kasintahang lalaki! ‘Amen. Pumarito ka Panginoong Jesus!’ (Pahayag 22:17,20).

7.9 Ano ang ibig sabihin sa atin ng ang iglesia ng Dios sa isang natatanging dako?
Kinakailangang maunawaan natin na ang iglesia ng Dios ay maaaring makita sa kaniyang pangkalahatang aspeto (Efeso 1:22,23) at gayon din sa kaniyang lokal na aspeto (1 Corinto 12:27), na siyang tumutukoy sa atin dito. Ang iglesia ng Dios sa isang partikular na dako (aspetong lokal) ay nagbibigay kapahayagan sa iglesia ng Dios bilang isang buo (ang pangkalahatang aspeto). Ito ay kinabibilangang ng lahat ng mananampalataya sa isang lokal. Ito ay bahagi ng iglesia ng Dios (tingnan T 7.2).
Sa panahon ng Bagong Tipan, ang iglesia ng Dios sa isang lokal na dako ay madaling makita sapagka’t ang mga Kristiano ay nagtitipon sa isang dako o kung sila ay lubhang marami, magtitipon sila sa ibat-ibang mga tahanan na may pakikisama sa isat-isa. Sila lamang ang kilala bilang mga Kristiano at walang mga hindi mananampalataya ang nangahas na sumali sa kanila (Mga Gawa 5:13).
Ngayon, ang mga bagay ay mas komplikado subali’t ang prinsipyo ng Dios ay nananatili.
Ang mga tao ay bumuo ng mga iglesia, mga organisasyon, mga sekta, atbp. sa pamamagitan ng pagpapakilala ng pagiging kasapi maliban sa pagiging sangkap ng katawan ni Cristo. Kaya’t paano natin makikita o maipapakilala ang iglesia ng Dios sa isang partikular na dako ngayon?
Maaari lamang nating magawa ito sa pamamagitan ng pagtitipon na nakasalig sa Kasulatan kasama nang lahat ng nakahandang gawin ang ganito, subali’t lagi nating tatandaan sa ating isipan na yaong mga nagtitipon sa ganitong paraan ay hindi tumutukoy sa buong iglesia sa dakong kinauukulan.

7.10 Ano ang ibig sabihin ng ‘nagkakatipon sa pangalan ng Panginoon’?
Sa prisipyo, ang isang Kristiano ay nais gawin ang bawat bagay sa pangalan ng Panginoon, kabilang na ang pagkain at pag-inom (Colosas 3:17). Subali’t kung nais mo na magkatipon sa Kaniyang pangalan (Mateo 18:20), ang Panginoon ay kinakailangang siyang sentro ng pagtitipon upang Kaniyang maituro ang bawat bagay at maging nakatuon sa Kaniya ang atensyon.
Maaari lamang kayong maging nagkakatipon sa pangalan ng Panginoon kung kikilalanin ang Kaniyang kapamahalaan. Bilang buod:
- ‘saan’ – ang dakong pinili ng Dios
- ‘dalawa o tatlo’ – ito ay sapat upang makapagbigay ng patotoo para kay Cristo
- ‘ay nagkakatipon’ – ang banal na kapangyarihan, (tinipon ng Banal na Espiritu)
- ‘sama-sama’ – ang banal na pagkakaisa
- ‘sa aking pangalan’ – Cristo ay ang pangalan na nagdadala sa pagsasama-sama ng Kaniyang bayan
- ‘naroon Ako’ – ang presensya ng banal na persona: si Cristo
- ‘sa kanilang kalagitnaan’ – ang banal na sentro.
Bilang konklusyon, upang maging nagkakatipon ayon sa Mateo 18:20, kinakailangan na:
- ang Panginoon ang Siyang sentro ng pagtitipon
- ang katawan ni Cristo ay siyang batayan
- ang kapamahalaan ng Panginoon ay kinikilala sa pamamagitan ng paghiwalay sa kasamaan.

7.11 Ano ang isang pagtitipon ng iglesia (o ‘kapulungan’)?
sang pagtitipon na kung saan ‘ang buong iglesia’ sa isang lokalidad ay nagsasama-sama (1 Corinto 14:23) ‘bilang isang kapulungan’ o ‘bilang isang iglesia’ (1 Corinto 11:18). Kapag sinabi nating ang buong iglesia, ito mangyari pa, ay yaong mga may kakayahan at nakahanda. Ang Bagong Tipan ay nagbibigay ng tatlo man lamang na mga layunin ng mga pagtitipon ng kapulungan:
7.12 Sino ang nangunguna sa mga pagtitipon na ito? Ito ba ay papel na ginagampanan ng mga pastor o mga matatanda?
Kapag ang mga mananampalataya ay ‘nangagkakatipon sa Kaniyang pangalan’ (Mateo 18:20) kung gayon si Cristo ay kinakailangang maging sentro (T 7.10). Kaniyang pinangungunahan ang bawat bagay. Hindi ito isang pagtitipon na pinapangunahan ng isang tao. Si Cristo ang namumuno (1 Corinto 12:5), at ang Banal na Espiritu ang nangangasiwa, nagpapatakbo, at namamahagi sa bawa’t isa ng gawain ayon sa kaniyang kaluguran’ (1 Corinto 12:11 JND). Mayroong kalayaan para sa bawat kapatid na kalalakihan[1] upang mag-ambag sa pagpapaawit ng himno, pananalangin ng malakas o sa pagsasalita para sa pagpapatibay (1 Corinto 14:26-33).
1 Ang mga kababaihan ay inuutusang maging matahimik sa mga kapulungan – 1 Corinto 14:34.

7.13 Sino ang dapat na magbigay ng paglilingkod sa pamamagitan ng pangangaral ng Salita?
Ang ‘paglilingkod sa pamamagitan ng pangangaral ng Salita’ (Mga Gawa 6:4), ang ibig sabihin nito para sa atin ay ang paglilingkod sa pagtuturo at pangangaral ng Salita ng Dios sa mga mananampalataya. Ito ay nararapat gawin ng mga mayroong kaloob na espiritwal para sa gawaing ito, gaya ng mga pastor at mga tagapagturo. Ang ministeryong ito ay maaari din may kapareho sa isang propeta mula sa Dios, na nagsasalita sa budhi ng mamamayan ng Dios.
Ang Salita ng Dios ay hindi kumikilala ng mga iglesia na may ‘isang tao nagmiministeryo.’ Sa Antioch ay mayroong ‘mga propeta at mga guro,’ hindi ‘isang pastor’, ‘ang isang ministro’, ‘isang pari’ o ‘kleriko’ (Mga Gawa 13:1). Sinabi ni Pablo sa mga taga Corinto, ‘Ano kung gayon, mga kapatid? Kapag kayo'y nagkakatipon, bawat isa ay may isang awit, isang aral, isang pahayag, isang wika, isang pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay para sa pagpapatibay’ (1 Corinto 14:26).
Ang lahat ng mga bagay ay dapat ginawa sa pag-ibig, at sa banal na pagkatakot na kasamang dumarating kasama ng presensya ng Dios.

7.14 Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga kaloob at ng mga gawain?
Ang mga kaloob ay mga espirtwal na mga kakayahan (ang kaloob ng guro, ebanghelista, atbp.). Ang mga gawain ay mga atas na pananagutan gaya ng mga diakono o mga matatanda. Ang mga kaloob ay para sa buong katawan ni Cristo (Efeso 4:11,12), kaya’t ang isang tagapagturo, halimbawa, ay maaaring magturo sa ibang mga lunsod o bansa, subali’t ang mga gawain ay para sa isang lokalidad: ‘matatanda sa bawat lungsod’ (Tito 1:5).

7.15 Nararapat ba tayong magtalaga ng mga matatanda?
Sa Bagong Tipan, ang mga matatanda ay parating mga itinalaga ng mga apostol (Mga Gawa 14:23) o ng kanilang mga kinatawan na may hayag na utos mula sa isang apostol upang gawin ito (Tito 1:5). Hindi sila maaaring italaga ngayon sapagka’t wala nang mga apostol (ang mga apostol ay yaon mga nakakita sa Panginoon, Mga Gawa 1:21,22, at Mga Gawa 9:4-6 kaugnay sa 1 Corinto 15:8) at kung magkagayon ay wala na ring mga kinatawan ang mga apostol ngayon.
Mangyari pa, may mga lalaki ngayon na may mga kakayahan na para sa mga matatanda (1 Timoteo 3:1-7). Gayunman, ang isang maingat na pagbasa ng listahan ng mga kakayahang ito ay nagpapakita na ang mga lalaking ito ay kakaunti na lamang. Subali’t yaong mga nakakaabot sa ganitong mga katangian ay maaari pa ring gumawa ng gawain ng mga matatanda at ang iba naman ay kinakailangang magpasakop sa kanila (1 Pedro 5:2; Mga Gawa 20:28).

7.16 Ano ang mga kaloob na nabanggit sa Bagong Tipan?
Limang pinaka pangunahing mga kaloob ay nabanggit sa mga taga Efeso 4: Ipinagkaloob ni Cristo:
- mga apostol – mga lalaking nakakita sa Panginoon (Mga Gawa 1:22; 9:4,5)
- mga propeta – mga nanghuhula; ibig sabihin ay mga nagbigay ng Salita ng Dios sa mga tao. Bago pa man ang Bagong Tipan ay nakumpleto, ang mga propeta ay may mga kapahayagan (Efeso 3:5). Ngayon na ang Biblia ay kumpleto na, ang kapahayagan ay kumpleto na rin, nguni’t mayroon pa ring ministeryong pang propeta: isang salita mula sa Dios para sa takdang oras, ayon sa Kasulatan, para sa pagpapatibay (1 Corinto 14). May mga babae rin na nagsipanghula (Mga Gawa 21:9), subali’t hindi sa publiko o sa kapulungan (1 Corinto 14:34)
- mga ebanghelista – sila yaong mga nagdadala ng ebanghelyo sa mga makasalanan at nagdadala sa kanila sa Panginoon at sa igelsia. Ang isang halimbawa ay si Filipe na ebanghelista (Mga Gawa 21:8), at ang kaniyang mga gawain sa Mga Gawa 8.
- mga pastor – sila yaong mga nagpapakita ng pagmamalasakit para sa bawat isang tao bilang isang pastol (ang ibig sabihin ng salitang pastor) para sa mga tupa ng kawan. Ngayon ang pagkaunawa ng marami ay iba sa pagkakatalaga na ‘pastor’ – isang uri ng isang ‘taong gumagawa ng lahat’ , madalas ang taong naka talaga bilang taga panguna ng iglesia’, subali’t hindi ito ang pastor ng Biblia. Pansinin na ito ay tumutukoy ng minsan lamang sa Kasulatan at ito ay nasa pang-maramihang kalalagayan (Efeso 4:11).
- mga tagapagturo – sila yaong may mga kakayahan na ipahayag ang katotohanan ng Salita ng Dios sa paraan na ito ay mauunawaaan at ang puso ng mga tagapakinig ay mag-aalab para sa katotohanan (Lucas 24:27,32).
Sa karagdagan, marami pang ibang mga kaloob (1 Cor 12, Roma 12) Pansinin wala sa mga siping ito ang nagsasaad ng kumpletong tala ng lahat ng mga kaloob.

7.17a Ang mga mahimalang mga kaloob – Ano ang mga ginagampanan ng mga ito? Bakit sila ibinigay ng Dios?
Para sa pag-eebanghelyo? Para sa mga emosyonal na mga paningin? Upang bawasan ang mga pagdurusa ng mga mananampalataya? Wala sa mga ito. Ibinigay ng Dios ang mga mahimalang mga kaloob upang patunayan na Kaniyang naumpisahan na ang isang bagay na ganap na bago; isang bagong panahon, panahon ng iglesia. Ang panahon ng kautusan ay tapos na. Hinubog ng Dios ang iglesia sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Dahil dito ay Kaniyang binigyang kakayahan ang mga alagad nang araw ng Pentecoste (= pagsisimula ng iglesia) upang makapagsalita sa ibang mga wika na naunawaan naman ng ibang mga tao. Sino ang makatatanggi na Dios ang gumawa ng mga ito? Pansinin na ang mga wika (‘mga dila’) ay naging mga tanda para sa mga Judio lamang (1 Corinto 14:21). Sa ilang mga kaganapan may mga paggaling sa mga karamdaman (Mga Gawa 3), hindi lamang upang maibsan ang mga pagdurusa ng mga mananampalataya kundi rin naman bilang tanda sa mga hindi mananampalataya (Mga Gawa 4:16,30; Hebreo 2:4).

7.17 Ang mga mahimalang mga kaloob – Ano ang mga ginagampanan ng mga ito? Ano ang mga ginagampanan ng mga ito ngayon?
Ang mga mahimalang mga kaloob ay para sa pagsisimula (Hebreo 2:3,4). Ang mga ito ay panlabas ng mga katibayan na ang iglesia ay isang gawa ng Dios; isang bagay na ganap na bago, isang bagong pasimula. Mangyari nga, ang Dios ay maaaring gumawa pa rin mga himala sa ngayon, at gayon nga, subali’t ito ay isang bagay na kakaiba mula sa pagsasagawa ng isang kaloob.
Ano naman ang tungkol sa mga wika kung gayon? Eh hayaan mong tanungin kita: Mayroon ka bang kilala sinoman na nakapagsasalita ng isang wika na kailanman ay hindi niya pinag-aralan – sapagka’t yaon ang nangyari sa Mga Gawa 2? At para sa mga tao na nagsasabing sila’y makapagsasalita ng mga wika, kanila bang sinusunod ang panuntunan para sa paggawa nito, gaya ng turo ng apostol sa 1 Corinto 14? Ang lahat ba ng mga sinalita ay isinalin (tal. 13 at 27)? Ginamit ba ang mga pagsasalita ng mga wikang ito bilang ‘tanda para sa mga di mananampalataya’ (tal. 22)? Ang mga babae ba ay nananahimik (tal. 34)? Kung ang Dios ay nagbibigay ng isang kaloob, gaya ng inilarawan sa Bagong Tipan, dapat ay makikilala natin ito. Subali’t mag-ingat tayo sa mga huwad na kaloob na pinupuri bilang ‘mga kaloob’ subali’t hindi lumilitaw na ginagamit ayon sa gawaing pang Biblia.

7.18 Ano ang ibig sabihin sa atin ng ‘pagkawasak ng iglesia’?
Simple lamang na ang ibig sabihin nito na ang mga bagay ngayon ay lubhang kakaiba mula sa mga paraan ng Dios na Kaniyang itinatag para sa iglesia sa pasimula ng Pentecoste. Ang mga Kristiyano ay mga nagkabaha-bahagi sa ibat-ibang mga pangkat. Ang marami ay naging mga kasapi ng mga organisasyon sa halip na kumilos bilang mga sangkap ng katawan ni Cristo. Nanatiling katotohanan na mayroon lamang isang katawan (Efeso 4:3); ang nasa wasak na kalalagayan ay ang panlabas na patotoo.
Maraming mga kasamaan ay naroon sa paraan ng kung paanong ang Kristiyanismo ay ipinamumuhay sa ngayon. Ito ay ginagawa sa ilang mga anyo:
- kasamaan na pangsimbahan (ministeryong pang isahang tao lang atbp.)
- kasamaan sa katuruan (tungkol kay Cristo, sa Kaniyang pagiging walang kasalanan, sa Kaniyang pagkakatawang tao, ang Kaniyang pagkatao, ang Kaniyang gawa, kaligtasan, at marami pang iba) kasama ng pagtanggi sa inspirasyon ng mga Kasulatan (tingnan ang kabanata 8)
- ang immoralidad ay tahasang pinahihintulutan ngayon sa maraming mga lugar (1 Corinto 5).
Sa wari ito ay palagiang kalakaran. Sa ganito ring panahon, maraming mga Kristiyano ang tumututol sa ganitong mga porma ng kasamaan subali’t nananatiling nakikisama sa mga gumagaw nito.

7.19 Paano mo maipapakita ang pagkakaisa sa panahon ng pagkawasak at pagkakawatakwatak? Lahat ba ay sinira na ng tao?
Oo, pero hindi ito nangangahulugan na naging imposible na isakatuparan ang mga prinsipyong ayon sa Biblia. Kung ang mga tao ay bumuo ng mga organisasyon atbp. maaari mo pa ring gawin kung ano ang sinasabi ng Biblia: ang isang payak na pagtitipon sa Panginoong Jesus (Mateo 18:20), ang pag-unawa na tayo ay mga sangkap ng katawan ni Cristo (1 Corinto 12:12,13).
Manalangin ka, at ang Panginoon ay papatnubayan tungo sa ibang mga mananampalataya na nais kilalanin Siya bilang Panginoon at sundin ang Kaniyang mga Salita. Makipagtipon sa kanila, na simpleng nagnanais na isagawa, sa Kaniyang tulong at sa pamamagitan ng Kaniyang biyaya, kung ano ang itinuturo ng Biblia. Ngayon hindi ito nangangahulugan na kailangan mong bumuo ng isang bagong iglesia. Binuo ng Dios ang iglesia matagal na ang mga panahon ay lumipas at yaon ay sapat na. Ngayon, kailangan lamang ay kilalanin natin na nagawa na Niya ito.

7.20 Sino ang nararapat na tanggapin para sa pagpuputol ng tinapay?
Ang bawat mananampalataya na hindi diskwalipikado. Bakit ang bawat mananampalataya? Sapagka’t ito ang pribiliheyo ng bawat sangkap ng katawan ni Cristo (1 Corinto 10:17). Kung gayon ano ang dahilan upang tayo ay maging diskwalipikado? Paano ito mangyayari? Sa gayon, may tatlong mga kadahilanan:
- imoralidad. Ang lalaki sa 1 Corinto 5, halimbawa, ay namumuhay sa napaka-imoral na kalalagayan na kinailangang siya ay itiwalag.
- mga katuruang masama; halimbawa kung ang sinoman ay hindi nagtuturo ng mga katuruan ni Cristo (2 Juan 9-11) ni hindi mo siya nararapat na tanggapin sa iyong tahanan, at hindi rin naman mo siya dapat makasama sa pag-alaala sa Pnginoon. Ang masamang katuruan ay gaya ng ‘lebadura’ (Galacia 5:9).
- pakikisama sa kasamaan (2 Timoteo. 2:21). Yaong isa na bumabati sa nagtuturo ng hidwang paniniwala 2 Juan 9-11 ay nagiging isa na ‘kabahagi ng kaniyang masasamang gawa.’ Sila na mga tumutungo upang dalawin ang mga templo ng mga dios-diosan sa Corinto ay nagiging ‘kabahagi ng hapag ng mga demonyo,’ bagaman hindi sila naniniwala sa mga dios-diosan sa kanilang mga sarili (1 Corinto 10:19-22). Tingnan rin ang 1 Corinto 15:33 at Pahayag 2:14.
7.21 Ano ang kaugnayan sa pagitan ng mga lokal na mga pagtitipon?
Ang isang lokal na pagtitipon (iglesia, kapulungan) ay bahagi ng buong iglesia ng Dios (1 Corinto 1:2).
Ang mga kapulungan kung gayon ay kumikilos ng may pagkakasundo sa isat-isa gaya ng kung paano gumagawa ang mga sangkap ng katawan ng tao ng may pagkakatugma, at hindi laban sa isat-isa. Maliwanag, na ang katawan ay kinabibilangan hindi ng mga kapulungan kundi ng mga indibidwal – subali’t ang mga indibidwal na bumubuo ng isang lokal na kapulungan ay pawang mga sangkap ng iisang katawan. ‘Mayroon lamang iisang katawan (Efeso 4:4) at may iisang ulo sa kalangitan, si Cristo mismo, na nagnanais na gumabay sa mga mananampalataya at sa kanilang mga kapulungan ayon sa Kaniyang mga kaisipan at pakikipagkasundo sa isat-isa. Ang lokal na kapulungan ay ang tanging kapahayagan at representasyon ng buong iglesia ng Dios (1 Corinto 10:17 at 12:27, tingnan din ang T 7.9). Kapag ang isang lokal na kapulungan ay nagpasiya (halimbawa sa pagdisiplina o pagtanggap ng isang mananampalataya sa kanilang samahan) ito kung gayon ay nagbubuklod para sa lahat ng mga kapulungan: ‘anoman ang inyong talian sa lupa ay tatalian sa langit’ (Mateo 18:18). Inuulit ni Pablo na ang kaniyang mga instruksyon sa mga taga Corinto ay bumubuklod sa iba pang mga dako (1 Corinto 1:2; 4:17; 7:17; 11:16).
7.22 Ano ang disiplina ng kapulungan?
Ang layon ng disiplina ng kapulungan ay upang tulungan na panumbalikin ang isang tao na gumawa ng isang bagay na hindi akma sa katuruang Kristiyano at gawain. Ang uri ng disiplina na nararapat gamitin ay depende sa kaso. May mga ilang uri ng mga ito:
- pagpapanauli sa isa na natagpuan sa kasalanan (Galacia 6:1,2)
- pagbibigay babala at paghiwalay mula sa ‘pinupuna’ o ‘minamarkahan’ bilang hindi lumalakad sa kaayusan (1 Tesalonica 5:14; 2 Tesaloinica 3:6,14,15)
- saway na alam ng publiko (1 Timoteo 5:20, tingnan din ang halimbawa sa Galacia 2:11-14)
- pakikitungo sa isang erehe at pagtatanda sa mga sanhi ng paghihiwalay (Tito 3:10,11; Rom.16:17)
- pinatahimik ang mga nagtuturo ng mga kakaibang doktrina (1 Tim.1:3,4; Tito1:10,11) personal na kasalanan laban sa ibang mananampalataya (Mateo.18:15ff)
- pag-alis ng mga masasamang tao – ang pinakaseryosong anyo ng disiplina sa pagpupulong. Kailangang kilalanin ng kapulungan, sa kahihiyan, na wala na itong magagawa at kailangang iwan ang kaso sa mga kamay ng Dios (basahin ang 1 Corinto 5).

7.23 Ano ang isang sekta?
Inilalarawan ng mundo na isang sekta ang isang pangkat ng relihiyon kapag hindi ito nabibilang sa isang malaking opisyal na relihiyon, ang Kristiyanismo sa kaniyang pasimula ay itinuring na isang sekta (Mga Gawa 24:14 JND; 28:22).
Sa orihinal na kahulugan, ang ibig sabihin nito ay isang paaralan o isang partido, na ang kanilang prinsipyo ay nakasalig sa mga opinyon ng kanilang mga tagapanguna. Ang mga sekta sa ganitong katuturan, ay nangyari nang ang isang natatanging katuruan ay nabuo (o ang isang katuruan sa kasulatan ay malabis na nabigyan ng tindi) at, upang mapabilang sa paaralang ito o partido, ang mga tao ay kinakailangang sumangayon sa katuruang ito. Kaya nga’t sa Corinto ang sabi: mayroong patunguhin na mamili sila ng kanilang mga paboritong mga tagapagturo (1 Corinto 1:11-13; 3:3-5) at nagkaroon ng panganib na ang naging bunga ng espiritu ng partido ay magiging sanhi sa pagkabuo ng mga sekta (1 Corinto 11:18,19).
Ngayon, ano talaga ang bumubuo sa isang pangkat ng mga Kristiyano bilang isang sekta, o naging maka-sekta? Pangunahin dito ay dalawang mga bagay:
- upang pormal na lumikha ng isang organisasyon na kung saan ang mga tao ay kinakailangang mapabilang muna bago nila tamasahin ang pakikisama ng ibang mga kasapi nito
- upang magpataw ng mga kondisyon para mga tinanggap sa samahan – hindi mga naaayon sa kondisyon ng Biblia ng dalisay na pamumuhay, doktrina at pakikisama – kundi mga labas sa pinag-uutos ng Biblia, gaya ng isang uri ng alituntunin ng pananamit.

7.24 Tayo ba ay isang denominasyon?
Kung ikaw ay isang bahagi ng isang denominasyon (isang uri ng organisasyon na may pangalan) kung magkagayon ay mas mabuting umalis ka na mula rito. Ang mga unang mga Kristiyano ay hindi nagkaroon ng isang pangalan at hindi tayo nangangailangan ng anuman ngayon. Ang mga tao ay nilagyan lamang sila ng mga tatak bilang mga ‘Kristiyano’ sapagka’t ang pagkakaalam ng bawat isa sila ay pag-aari ni Cristo.
Nararapat lamang na tayo ay maging masaya na sa pagiging mga sangkap ng katawan ni Cristo

7.25 Paano tayo maaaring makiugnay sa ibang mga Kristiyano na hindi nakikipagtipon sa atin?
Sila ay ating mga kapatid kay Cristo. Maaring hindi tayo lumalakad kasama nila (makipag-putol ng tinapay sa kanila) subali’t mahal natin sila. Paano natin maipapakita ang pag-ibig na ito? Sa pamamagitan ng pagsisikap na maibigay ang pinakamabuti sa kanila! Sa pamamagitan ng pagsubok na tulungan sila, itaguyod sila at palakasin ang kanilang pananampalataya. Madalas ito ay kinabibilangan ng pagtuturo sa kanila mula sa Salita ng Dios.

7.26 Ano ang mas mahalaga: maging tama sa doktrina o maging deboto sa Panginoon?
Walang silbi na paglabanin ang mga ito sa isat-isa. Kailangan natin pareho ang mga ito! Ang doktrina na hiwalay sa pagiging deboto ay maaaring ihalintulad sa isang kalansay na walang laman. Ang pagiging deboto na wala namang doktrina ay gaya sa isang katawan na wala namang mga buto upang ito ay makatayo.
